Friday, November 15, 2013

33rd. #BangonPilipinas

Hindi lingid sa ating kaalaman ang bangungot na naranasan at nararanasan ng Visayas ngayon lalung-lalo na ang Tacloban na matinding tinamaan ng pinakamalakas na bagyo sa buong mundo, ang Super typhoon Haiyan o mas kilala bilang Bagyong Yolanda.

Napakalawak na pinsala ang iniwan ni Yolanda. Halos magmukang ghost town ang nasabing lugar. Wala halos bahay na matindig tumayo. Ang masakit sa matang makikita mo lamang ay ang kaliwa't kanang nagkalat na mga debris mula sa mga bahay, puno, imprastraktura at maging mga walang buhay na mga tao na nakasabit sa puno, naiwan sa kalsada pati mga nabaon sa putikan matapos ang isang malawakang pagbaha.

Hindi maipinta ang mga mukha ng mga taong kinukunan ng pahayag sa nangyari at sa pagkaligtas nila. Walang laman ang balita sa buong linggo kundi mga balita ukol sa mga nasalanta. Mga balitang kukurot sa iyong puso, balitang hindi mapipigilan ang iyong pagtangis dahil sa hindi mo maipaliwanag na nararamdaman para sa kanila. Maging ako, hindi mapigilang mapaiyak sa aking mga napapanuod at naririnig. Para bang isang panaginip sa ating lahat at sa bawat biktima ng sakuna. Wala kang ibang kakapitan kundi ang Diyos, wag kayong bibitiw.

Ilang araw na ang nakalipas at nagkaroon na ng iba't ibang aksyon ang gobyerno, private sectors, simpleng mamamayan ng bansa at ang pagbuhos ng biyaya mula sa mga dayuhan. Kaliwa't kanan ang donasyon na natatanggap ng mga drop off points maging pinansyal, gamot man o mga damit galing sa iba't ibang klase ng tao sa bansa, mayaman man o mahirap. 

Ngunit sa mga iba't ibang dahilan, kahit na maraming buhos ng tulong ang natatanggap ng bansa mula sa ibat ibang parte ng mundo, hindi pa rin maiwasan na hindi agad ito makarating sa mga nangangailangan. Bilang isang estudyanteng simpleng mamamayang blogger na nagbibigay ng opinyon sa inyo, sa aking palagay at ayon sa aking napanuod sa balita mula sa mga dayuhang tumutulong sa bansa, hindi raw talaga madali ang pagdidistribute ng mga goods sa mga tao lalo na sa sinapit na napakalawak na pinsala sa Tacloban. Gayundin daw ang naganap sa isang bansang kanilang tinulungan. Isa pa, sa laking pinsala na inabot ng Tacloban, nahirapang pumasok ang mga truck sa lugar mismo ng pinangyarihan kung kayat kinailangan pa nilang gumamit ng mga sasakyang panghimpapawid. Pangatlo, sa tingin ko hindi agad agad makakabangon ang Tacloban ng ganoong kabilis kung kaya't araw araw silang kailangang pakainin sa loob ng ilang buwan kaya ang budget na nalikom ay sigurong kailangang dumaan sa plano ng pagbabadyet upang tama ang pagkakagastos at walang masayang. Kanina sa balita, sinabi na kailangan nilang pakainin ang almost 1.4 million na tao sa Tacloban. Kaya sa gutom ng tao nagkaroon ng looting sa lugar at ultimo ang mga nagdadala ng relief goods ay hinaharang sa mga daanan hindi pa man din nakakarating sa lugar ng pagsasagawa ng aksyon.

Sa panahon ngayon ang daming nagtatalo dahil sa bagal ng proseso, mga samaan ng loob at maging ang mga relihiyon. Pero sa totoo lang? Wala tayo sa lugar na yan para makipagtalo. Unahin natin ang problema wag nating sanga sangahin dahil tayong mga Pilipino rin ang mapapahiya. Pilipino tayo pero mismo tayo nagbabangayan. Kung ang problema mo ay ang gobyerno, wala kang alam sa ginagawa nilang aksyon. Ang tanging magagawa natin bukod sa pagbibigay ng tulong pinansyal at materyal, bakit hindi mo subukang ipikit ang iyong mga mata, yumuko ka at tumawag sa Panginoon. Wala kang ibang kakapitan, lalapitan at wala kang ibang pwedeng hingan ng tulong sa pagkakataong ito kundi ang Diyos. Magdasal tayo. Makikita natin na unti-unting babangon ang Pilipinas mula sa sunud-sunod na masamang pangyayari sa bansa. Makikita mo babangon ang Pinas dahil sabi nga sa kanta ni Bamboo "Pinoy ako! Buo aking loob may agimat ang dugo ko." Kaya, #BangonPilipinas










No comments:

Post a Comment